Habang nagpapatuloy ang trade war na inilunsad ni dating US President Donald Trump, matapang na tumutugon ang Canada sa pamamagitan ng pag-impose ng mga counter tariffs at pakikipagtulungan sa mga internasyonal na kaalyado, ayon kay Canadian Foreign Affairs Minister Mélanie Joly.
“We need to defend ourselves. And so not only are we leading the charge, we’re the country at this point that has imposed counter tariffs the most against US goods,” ani Joly sa isang eksklusibong panayam sa Euronews.
(“Kailangan nating ipagtanggol ang ating sarili. At hindi lamang kami ang nangunguna, kami ang bansa sa ngayon na pinakamaraming ipinataw na counter tariffs laban sa mga produkto mula sa US.”)
Bilang bahagi ng kanilang depensang pang-ekonomiya, inihayag ni Prime Minister Mark Carney nitong Huwebes na tatapatan ng Canada ang 25% tariff ni Trump sa mga dayuhang sasakyan gamit ang sariling buwis sa mga sasakyang gawa sa US na iniimporta papasok sa bansa. Ayon sa pamahalaang Canadian, aabot ito sa halagang CAD 35.6 bilyon (€22.9 bilyon) ng mga imports. Ang bagong countermeasures na ito ay dagdag pa sa naunang retaliatory tariffs na ipinataw sa humigit-kumulang CAD 60 bilyon (€38.2 bilyon) ng mga produktong US.
Binigyang-diin ni Joly na hindi nag-iisa ang Canada sa pagkilos. “We’re working with the EU, we’re working also with Asian partners, and we’ll continue to put maximum pressure (on the Trump administration),” aniya.
(“Nakikipagtulungan kami sa EU, pati na rin sa mga kasosyo sa Asya, at ipagpapatuloy namin ang pagbibigay ng matinding pressure sa administrasyong Trump.”)
Kahit tumitindi ang tensyon, umaasa si Joly na ang mismong mamamayang Amerikano ang magiging daan upang mapatigil ang trade war. “The only way for President Trump to back off on his trade war is for American people themselves to say: ‘It’s enough’. And they are the ones that can create the political pressure within their own system to make sure that that’s the case,” dagdag pa niya.
(“Ang tanging paraan para umatras si Pangulong Trump sa kanyang trade war ay kung ang mismong mga mamamayang Amerikano ang magsasabing: ‘Tama na.’ Sila ang maaaring lumikha ng pampulitikang pressure sa kanilang sistema upang ito’y maisakatuparan.”)
Ipinunto rin ng kalihim ang kahalagahan ng pagkakaisa sa loob ng NATO sa harap ng lumalalang pandaigdigang kalagayan. “We need to fight for our own interests, maybe on a trade war, or making sure that we have a united NATO,” aniya.
(“Kailangan nating ipaglaban ang ating sariling interes, maaaring sa isang trade war, o sa pagtiyak na magkakaisa ang NATO.”)
Nagbabala si Joly na ang mga kalaban gaya ng China at Russia ang makikinabang sa anumang alitan sa pagitan ng mga kaalyado. “Because ultimately, who is gaining from all this, the erosion of the international system or some tensions amongst allies, it is our adversaries. It is China and Russia,” aniya.
(“Dahil sa huli, ang nakikinabang sa lahat ng ito—ang pagguho ng internasyonal na sistema o mga tensyon sa mga kaalyado—ay ang ating mga kalaban. Iyan ay ang China at Russia.”)
“And so, as a diplomat, I’ll continue to engage with as many countries as possible to keep the world much as secure and safe space as possible,” pagtatapos ni Joly.
(“At bilang isang diplomat, patuloy akong makikipag-ugnayan sa mas maraming bansa hangga’t maaari upang mapanatiling ligtas at panatag ang mundo.”)