Ang Kagawaran ng Transportasyon (DOTr) ay kasalukuyang nag-iisip na baligtarin ang direksyon ng EDSA bus carousel upang gawing eksklusibo ang busway para lamang sa pampublikong mga bus.
Ayon sa ulat ni Joseph Morong sa 24 Oras noong Huwebes, ang plano ay ililipat ang mga northbound na bus sa southbound lane imbes na dumaan sa EDSA kasama ang iba pang sasakyan na patungong hilaga.
“Para exclusive lang yung busway sa buses, for public utility vehicles. Tapos yung pintuan ng bus nasa right side din, so mayroon ding safety considerations,” sabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista.
Sinabi ng kagawaran na kasalukuyan na nilang pinag-uusapan ang plano kasama ang mga kumpanyang nagpapatakbo sa busway, at maaaring mailabas ang desisyon bago matapos ang taon.
Isa lamang ang panukalang ito sa mga plano ng DOTr matapos ang mga insidente ng mga pribadong sasakyan na ilegal na gumagamit ng busway upang makaiwas sa trapiko sa EDSA.
Ang isa pang plano ay ang pagbawas ng protocol plates na inisyu sa mga opisyal ng gobyerno.
“Para talagang yung plate is to be used only by the official,” ayon kay Bautista.
Sa ngayon, ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Pangulo ng Senado, Ispiker ng Kamara, at Punong Mahistrado lamang ang may pahintulot na gumamit ng busway.
Ang isang SUV na may pekeng “7” protocol plate, na tanging ibinibigay lamang sa mga senador, ay nahuli kamakailan na ilegal na dumadaan sa northbound lane ng busway.
Ayon sa ulat, ang SUV ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation, isang kompanya na pagmamay-ari ni Kenneth Tan Gatchalian, kapatid ni Senador Sherwin Gatchalian.
Tumanggi si Senador Gatchalian na magkomento kung pag-aari nga ng kanyang kapatid ang naturang sasakyan.
“Andoon na sa LTO yung mga documents eh. Iwan na lang natin sa LTO,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ng DOTr na magsasagawa ito ng karagdagang imbestigasyon sa kaso para sa pagsampa ng angkop na mga kaso.