Kwentong Politika

Pacquiao, Sinibak ang Driver na Tumakas Matapos Mahuli sa EDSA Busway

February 12, 2025

LAOAG CITY, Ilocos Norte— Sinibak ni boksing legend at dating Senador Manny Pacquiao ang kanyang service driver matapos itong tumakas mula sa mga awtoridad nang sitahin dahil sa pagdaan sa EDSA Busway nang walang pahintulot.

“Hindi niyo makikita ‘yung taong ‘yan sa akin ngayon. Sabi ko, diyan ka na lang. ‘Wag ka na sumama sa amin,” ani Pacquiao sa isang panayam.

Sinabi rin niya na pinagsabihan at pinagalitan niya ang kanyang chief of security matapos malaman ang insidente.

“Na-briefing ko na chief security ko na mali ‘yung ginawa nila at pinagalitan ko nang pinagalitan. Pinabalik ko nga agad at pinakuha ‘yung ticket dahil nakakahiya, bakit nila tinakasan,” aniya.

Binigyang-diin ni Pacquiao na hindi niya pinapayagan ang ganitong uri ng paglabag, at sinabing, “Bawal sa akin ‘yang ganyan.”

Naglabas naman ng opisyal na paghingi ng paumanhin ang kampo ni Pacquiao matapos ang insidente.

Ayon sa Department of Transportation’s Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), dalawang sasakyan ang nahuli noong weekend na dumaan sa EDSA Busway, kung saan ang mga sakay nito ay nagpakilalang bahagi ng security team ni Pacquiao.

Isa sa mga pasahero ang nagpahiwatig na hihinto upang makipag-usap sa enforcer ngunit sa halip ay tumakas. Kalaunan ay bumalik ang van, at pinatawan ng traffic violation tickets ang convoy dahil sa hindi pagsunod sa traffic signs at ilegal na paggamit ng blinkers.