LONDON, United Kingdom — Nakatakdang magsimula ngayong Lunes ang apat na araw na pagbisita ni Haring Charles III sa Italya, kung saan magiging kauna-unahang monarko ng Britanya na magtalumpati sa pinagsamang sesyon ng parlamento ng Italya. Gayunpaman, hindi matutuloy ang kanyang inaasahang pagkikita kay Pope Francis dahil sa mga isyung pangkalusugan ng Santo Papa.
Ang biyahe ay kasunod lamang ng ilang araw mula nang maospital si Charles, 76, bunsod ng pansamantalang side effects mula sa kanyang cancer treatment. Ayon sa mga ulat ng media sa UK, sinabi ng mga taga-loob ng palasyo na ang hari ay “raring to go” (sabik nang tumuloy) sa kanyang biyahe, na kasabay rin ng pagdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo ng kasal ni Reyna Camilla.
Bilang pinuno ng Church of England, nakatakda sanang makipagkita si Charles kay Pope Francis sa Martes. Subalit dahil ang 88-anyos na Santo Papa ay nagpapagaling pa mula sa malubhang pulmonya, kinailangan itong kanselahin. Ayon sa Vatican, kinakailangan pa ni Pope Francis ng hindi bababa sa dalawang buwang pahinga.
Sa isang mensaheng ipinaskil noong Marso 25 sa opisyal na X account ng royal family, sinabi ng palasyo: “Their Majesties send the Pope their best wishes for his convalescence and look forward to visiting him in The Holy See, once he has recovered.”
(Ipinapaabot ng Kani-kanilang Kamahalan ang kanilang taos-pusong pagbati para sa paggaling ng Santo Papa at umaasang makadalaw sa Kanya sa Banal na Lungsod sa oras na siya’y gumaling.)
Sa kabila ng pagkansela, nagpakita si Pope Francis sa publiko noong Linggo sa Vatican, dalawang linggo matapos siyang makalabas ng ospital.
Bagama’t nakabisita na si Charles sa Italya nang 17 beses, ito ang kanyang unang opisyal na pagbisita bilang hari. Sa loob ng dalawang araw, marami siyang nakalinyang aktibidad sa Rome, at naglabas na ng abiso ang mga lokal na awtoridad tungkol sa posibleng trapik dahil sa istriktong seguridad.
Makikipagpulong si Haring Charles kina Punong Ministro Giorgia Meloni at Pangulong Sergio Mattarella ng Italya. Ayon sa Buckingham Palace, siya rin ang “first British monarch to address a joint sitting of the Italian parliament”
(unang monarko ng Britanya na magtalumpati sa pinagsamang sesyon ng parlamento ng Italya.)
Bilang bahagi ng kanilang itinerary, bibisitahin nina Charles at Camilla ang Colosseum na kasama si Culture Minister Alessandro Giuli, at ang makasaysayang working-class district ng Testaccio.
Magsasagawa rin sila ng pag-aalay ng wreath sa Tomb of the Unknown Soldier, at makakapanood ng pinagsamang flypast ng Italy’s “Frecce Tricolori” at UK’s “Red Arrows.”
Inaasahan ding ipagdiriwang nina Charles at Camilla ang kanilang ika-20 anibersaryo ng kasal sa isang state banquet sa ika-16 na siglong Palazzo Quirinale. Ayon sa media ng Italya, humiling ang royal couple ng vegetarian menu para sa hapunan.
Matatandaang matapos ang matagal na relasyong palihim habang kasal pa si Charles kay Princess Diana, ikinasal ang mag-asawa noong Abril 9, 2005, sa isang civil ceremony sa Windsor, sinundan ng religious blessing sa Windsor Castle.
Ipinahayag ni Charles noong Pebrero 2024 na siya ay may cancer. Pagkalipas lamang ng anim na linggo, ibinalita rin ni Catherine, Princess of Wales, ang kanyang sariling cancer diagnosis at nagsimulang sumailalim sa chemotherapy. Noong Enero, sinabi ni Catherine na siya ay nasa remission na.
Pagkalipas ng dalawang buwang pahinga, muling bumalik si Charles sa kanyang mga tungkulin at unti-unting dinagdagan ang kanyang mga aktibidad. Sa mga sumunod na buwan, nagtungo siya sa iba’t ibang bansa tulad ng Australia at Samoa.
Subalit noong Marso 27, nagkaroon ng pangamba sa tuloy ng biyahe nang ianunsyo ng palasyo na naospital si Charles dahil sa side effects ng kanyang lingguhang paggamot. Tinawag ito ng mga opisyal na “minor bump”
(maliit na aberya) sa kanyang gamutan, at muling nagtuloy si Charles sa kanyang mga gawain noong Martes.
Sa pagtatapos ng kanilang pagbisita, bibisita rin sina Charles at Camilla sa Ravenna sa hilagang Italya upang dumalo sa isang pagtitipon bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng paglaya ng rehiyon mula sa pananakop ng mga Nazi noong Abril 10, 1945, ayon sa palasyo.