Kwentong Politika

Pinalawak na Benepisyong Pangkalusugan para sa mga Pilipino, Inilunsad ng PhilHealth

October 7, 2024

Patuloy na tinutupad ng PhilHealth ang kanilang misyon na bigyan ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng kampanyang “Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayan, damang-dama ng bawat Pilipino.” Ang hakbang na ito ay bahagi ng hangarin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na palakasin ang sistema ng kalusugan sa bansa.

Layunin ng programang ito na matiyak na ang bawat Pilipino, anuman ang estado sa buhay, ay makakakuha ng kinakailangang serbisyong medikal nang hindi iniisip ang malaking gastusin. “Ito ang mensahe ng PhilHealth sa ating mga kababayan, huwag po kayong matakot sa gastos sa pagkakasakit, sagot kayo ng PhilHealth!” pahayag ni Emmanuel Ledesma, Jr., Pangulo ng PhilHealth.

Ayon kay Ledesma, nakatuon ang PhilHealth sa pagpapalawak ng coverage para sa mga pangunahing sakit sa Pilipinas, gaya ng pneumonia, malalang dengue, stroke, sakit sa bato, at iba’t ibang uri ng kanser. Sa ngayon, 60% ng mga kondisyong ito ay sakop na ng mas pinalawak na benepisyo. Kabilang dito ang mas mataas na case rates para sa pneumonia, hika, stroke, neonatal sepsis, at chronic kidney disease na nangangailangan ng hemodialysis. Sa taong 2025, palalawakin pa ang tulong para sa mga pasyenteng may lung, liver, ovary and prostate cancer, lalo na ang mga sumasailalim sa chemotherapy.

Bilang bahagi ng Universal Health Care (UHC) program, inaasahang tataas din ang tulong pinansiyal sa iba pang malulubhang sakit. Layunin nito na maiwasang bumagsak sa kahirapan ang mga pamilya dahil sa malalaking gastusing medikal.

Ipinagmamalaki rin ng PhilHealth na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asia-Pacific na naglunsad ng isang outpatient therapeutic care package para sa Severe Acute Malnutrition noong Oktubre 1. Layunin ng benepisyong ito na labanan ang malnutrisyon sa mga bata at bawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang apektado nito.

Bilang karagdagan, inalis na rin ang patakaran sa Single Period of Confinement (SPC) upang matulungan ang mga miyembrong nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan. Tataas din ng 59% ang benepisyo para sa hemodialysis mula P4000 na magiging P6,350 sa darating na Nobyembre. Dahil dito ay aabot na sa halos Php 1 milyon kada taon ang benepisyo sa bawat apektadong pasyente.

Kasabay ng pagpapalawak ng benepisyo, gumagamit din ang PhilHealth ng makabagong teknolohiya upang mapabuti ang kanilang mga serbisyo. Nakipagtulungan sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Health (DOH), at Philippine Statistics Authority (PSA) upang mas mapadali ang proseso ng mga serbisyo ng PhilHealth, lalo na para sa mga nasa malalayong lugar.

Pinalawak din ang programang “Konsulta” na nagbibigay ng libreng konsultasyon, diagnostic tests, at mga gamot batay sa rekomendasyon ng duktor upang matulungan ang mga Pilipino na mapanatiling malusog bago pa man magkasakit.

Sa pagtatapos, nanawagan ang PhilHealth sa mga healthcare providers na makipagtulungan upang masiguro na madadama ng bawat Pilipino ang pinalawak na benepisyo ng PhilHealth sa pamamagitan ng pagbaba ng kanilang bayarin pang- medikal. “Sama-sama nating itaguyod ang isang mas malusog at matatag na Pilipinas” panawagan pa ni Ledesma.